|
|

Maswerte nga bang maituturing, sa ibang bansa’y makipagsapalaran? Malaki nga ang kikitain, subalit kapalit nama’y kalungkutan Mga mahal mo sa buhay, sapilitan mong iiwanan Mamanhidin ang puso, upang sakit ‘di mamalayan
Magpuyat, malipasan ng gutom, ay ‘di alintana Magbabad sa init at alikabok, ay tila nakasanayan na Pagod na sa paglalakad, ay sige pa rin ang arangkada Tagaktak na ang pawis, pati damit ay lapot na
Pagod man ang katawan, sa maghapong pagta-trabaho Pag dating sa inuupaha’y, maglalalaba pa’t magluluto Lilinisin ang sahig, kikiskisin ang inyodoro Mga gawaing para kay Yaya, sa kinamulatan kong mundo
Minsan sa pag tulog, sa kapagura’y humaharok Nakakahiya mang aminin, sa kabilang kwarto’y umaabot Sana’y pagpasensyahan na lang, ng mga kasamahang natutulog Pagkat ako man minsan di’y, harok nila ang pampatulog
Kapagurang nadarama’y, agad din namang napapawi Pagdating ng katapusan, ako din nama’y ngumingisi Sweldong inaasam, sa mga palad lang ay darampi Pagkat ilang segundo lang, naipadala na sa mga kalahi
Pakiramda’y gumagaan, kapag sweldo’y naipadala na Pagtulong sa kapamilya, hatid sa aki’y ligaya Puso ko’y nagagalak, sa tuwing matatanggap nila Mumunting kong handog, isang malaking pagpapala
Subalit nandiriyan pa rin, mga sandaling namimighati Pusong manhid ay nagkakamalay, nararamdaman ang sakit Nagbibingi-bingihan na ang taynga, patuloy ko pa ring naririnig Pangungulila ng puso ko’y isinasambulat ng kanyang pintig
Hanggang kalian magtitiis, malulumbay, malulungkot? Hanggang kalian luluha, mananangis, mababagot? Ito ang buhay kong pinili, mangibang bansa’t pumalaot Kaya’t dapat ko lamang tatagan, ang damdaming nanghihilakbot
Konting tulog na lang, ako’y makakauwi din Sa kinamulatang bansa, doo’y mahihimbing Hindi pa man sa ngayon, batid kong araw din ay darating Makakapiling kong muli, silang mga mahal sa akin
Panginoon ko’t Diyos ko, dalangin ko’y Iyong dinggin Pagkalooban Mo po ng lakas, mga katulad kong naninimdim Dito sa ibayong dagat, ilayo Mo po kami sa dilim Upang Liwanag ng Pilipinas, ay muli naming makapiling. - Gilson Aceveda
FROM GMA-7 PINOY ABROAD KWENTONG KAPUSO
|
|
|
|
|
The TRUTH will set you FREE.
No comments:
Post a Comment