MAALAALA MO KAYA
GITARANG LATA
TITLE COURTESY OF MMK
ISINADULA SA "MAALAALA MO KAYA" NG DZMM
Dear Charo,
Sa buhay ng tao may mga pagkakataon na tayo ay kailangan na
pumili ng nang mga bagay na haharapin natin at mga bagay
na tatalikdan. At tulad ng mga kababayan natin na nangibang bansa...
sila tulad ko sa pagsuong nila sa hamon ng pag hanap ng magandang
kapalaran sa ibang bayan eh naranasan na rin nila ang bigat ng
kalooban sa paglisan lalo at higit sa pagkakataong ang taong aalis
ay may iiwan mahal sa buhay na nasa malubhang karamdaman.....
Marso 2008...takdang paglipad namin mag asawa at bunsong anak tungong
Amerika.......umalis kami iwan ang aming dalawang anak na dalaga at isang apo
at ang aking ina-inahan na may malubhang kapansanan sa balakang...siya si
Tia Nene at ang kuento ng buhay niya ang ilalahad ko sa iyo ngayon.....
Para sa pinakamamahal kong Tia Nene.
Dear Charo,
Salamat sa mga pagkakataong ipinagkaloob ng Panginoon na magkaroon kami ng
pagkakataong magkakilala...magkasama..maging bahagi ng buhay ng isat-isa...
pagkakataon na naranasan ko ang pagkakaroon ng dalawang tatawaging aking ina...
dalawang ina na nagbuhos ng pagmamahal, pag-aaruga, pag gabay at pag-unawa,
higit noong aking kamusmusan.
Dear Charo,
Malapit sa akin si Tia Nene sa dahilang sa aming walong magkakapatid ay ako ang
nagkaroon kaagad ng kasunod sa loob ng isang taon at isang buwan ,isang dahilan
na kapag ako ay maypangangailangan bilang bata ay si Tia Nene na ang tumutugon
dahil sa ang aking ina ay ang abala na sa mas nakababatang anak na sumunod sa akin.
Naala-ala ko pa na kapag ako ay matutulog ay di ako makatulog ng hindi ko katabi si
Tia Nene. Tatawagin ko siya habang siya ay nasa silong at nananahi..ramdam kong
hihinto ang makina at dinig ko ang mga yabag ng hakbang niya patungo sa aking
tabi...nandyan nasiya.. himbing naman ako agad .. maaring pagkatulog ko ay muli
nyang itutuloy ang kanyang pananahi ...yun di ko na alam.
Ngunit ang aking higit na natatandaan ay kapag ako ay may sakit o lagnat :
pupunasan nya ako at lalagyan ang aking noo ng kapirasong katsa na basa ng suka ..
at paiinumin ng medicol o kaya cortal at babantayan na nya ako hanggang ako ay
tuluyan nang gumaling... kapag naman ako ay papasok sa Central (school) ay siya
ang nagpapaligo at nagbibihis sa akin at naghahanda ng pagkain at gamit sa
pagpasok... at pagkadating ko naman eh sya ang magpapalit ng aking damit na basa
ng pawis at bibihisan naman ako ng pambahay at panlaro.
Magtatapos ang dekada 50 noong natatandaan kong isinama ako ni Tia
Nene sa bulubundukin ng Baguilawa, akay akay nya ako tungo sa paradahan
ng dyip patungong Baguilawa ..yun na siguro ang huling biyahe dahilang
hapon na, palubog na ang araw at konti na lang ang mga tao sa palengke...
punong puno ang dyip ng pasahero,ng sako.. sako bigas ...pakain sa
baboy...patuka..gaas...mga kung ano-anong bagay na pinamalengke...
basta alam ko nakatayo ako sa loob ng dyip sa harapan ni Tia Nene ...
nakakapit ako sa hawakan na nasa likod ng driver na nakaupong patagilid
upang mapagkasya ang may ilang tao sa harapan ..bukod pa ang ilang
pasahero na nakaupo sa ibabaw ng hood...ganoon pa man ang karga ng
dyip ay nakakatakbo pa rin ito..tanda ko rin ang pangalan ng
dyip.. TITA-ME.
Ilang sandali pa ay pinaandar na ng driver ang dyip na Tita-me at
dumaan kami sa isang tulay na bato at pagkatapos ay dalawa namang
makipot na tulay na may bahaging bakal at ang gitna ay dalawang malapad
na tabla akma sa lugal na daraanan ng gulong ng sasakyan...bagaman kahit
ito ay bakal hindi naman maari na magsalubungan ang sasakyan dahil sa
ito ay makipot at maliiit lamang...pagkatapos lumagpas sa ikalawang tulay
na bakal ay mga ilang saglit ay kumanan na ang Tita-me at nagsimula na
magbago ang ugong ng makina ..naging malagong na parang nagagalit
na dinosaur at pagdating sa may kataasan ay natambad na sa aking paningin
ang unti-unting paglitaw ng mga ilaw sa tabi ng karagatan habang lumalaganap
ang karimlan..kay gandang malasin at sariwaain kahit sa isipan lang...
Dito sa pagdalaw na ito ng Tia Nene sa Baguilawa, una kong namalas ang
kagandahan ng tabihang dagat ng Bauan. Dito rin noong panahong iyon
natikman ang gulay na purong malunggay na may sangkap na bawang na
isasabaw sa kanin na sa paglapat sa aking dila ay .. ito ay aking
pagugulungin sa aking dila at sa sarap ng langhap atdulas ng kanin ay tuloy
tuloy agad iyon sa aking lalamunan...at kinabukasan naman para sa
pananghalian ay inihuli at ipinagpatay kami ng dumalagang manok na
tagalog at lutong may lahok na papaya at dahon ng sili.
Sa akin namang paglalaro ay naging kasama-sama si Tanoy, isang kababata
na taga roon, sa pagkuyabit sa puno ng chico sa likod ng kanilang bahay
na malapit sa school.
Halos kahit saan mang lugal na magpunta si Tia Nene ay nais kong sumama
o humahabol ako, kaya kahit sa pamimili ni Tia Nene at pagbibili ng tapilan
ay naging kasakasama niya ako. Noon ibibili nya ako ng dalawang pirasong
pan de sal na kapag pinagsagup ay sinlaki na ng aking ulo noong panahong
iyon at iiwan na niya ako sa gilid ng isang tindahan sa palengke na kinatatayuan
ng ngayon ay Bay Mall. Habang siya ay namimili ay utay utay ko namang
nginungotngot o kinakain ang dalawang pan de sal at sa loob ng dalawang oras
ay ay makikita ko na ang sarili ko nakaupo na sa ibabaw ng dalawang sako ng
tapilan na salop salop na pinamili ni Tia Nene. Pagkatapos ay isinakay namin
yun sa dyip na biyaheng Lipa para doon naman ipagbili.
Hindi mawala sa aking ala-ala noong ibaba namin sa loob ng palengke ang sako
ng tapilan. Mula sa loob ng dyip ay itinulak ni Tia Nene ang sako na puno ng
tapilan sa pamamagitan ng paa, na saglit lang na lumapat ang sako ng tapilan
sa daan nang biglang darating ang kasunod na dyip at sinagasaan ang sako ng
tapilan. Wala na akong iba pang natandaan liban lang sadinadakot namin ang
mga kumalat na tapilan at isinasalin sa ibang sako.. buti na lang at di naman
kami nasaktan. Ngunit ako ay nabahala na baka sa nangyaring yun sa
tapilan ay di na makayanan ni Tia Nene na bayaran pa ang inutang na 500
daang piso na puhunan sa Bauan Rural Bank. Nasabi ni Tia Nene ang bagay na
yun at itinanong niya sa akin na kung di siya makabayad at siya ay makulong
ay ano ang aking gagawin.Ako ay nag-isip papaano nga baga iyon? Sagot ko sa
kanya eh, sasama ako sa kanya sa kulungan. Sa kabutihang palad sa awa ng
Diyos nakabayad naman siya sa kanyang inutang.
Maging sa pag-ibig ..mukhang ako ay naging balakid sa mga nais manligaw noon
kay Tia Nene.Sinumang binatang parang umaaligid sa kanya ay nakakaranas
ng aking pagtutol sa pamamagitan isang putol na kahoy na panggatong na aking
kinukuha sa ilalim ng abuhan... palagay ko kapag hindi lumayo yun manliligaw
nayun o di tumakbo ay matitikman niya ang gulpe buhat sa hampas ng
panggatong na bitbit ko. Nanatili na ngang dalaga si Tia Nene noong panahong yaon.
Gayunpaman noong magtatapos ang taong 1978 ay naipaalam ko kay Tia Nene
ang aking balak na mag-asawa na sa Mayo 1979 ngunit, makailang araw naman ay
sinabi sa akin ni Tia Nene na magpapakasal na raw sila ng Tio Idro sa Enero, una
ng mga 5 buwan sa takdang kasal ko. Ako ay nagulat di ko kasi akalain na iibig pa
si Tia Nene, dahil kahit na minsan ay di ko nakita na harapin ni Tia Nene si Tio
Idro..tanda ko pa na pumapanhik sa balkonahe ang Tio Idro upang manligaw ay
mabilis namang bumababa sa batalan ang Tia Nene, hindi lang isang beses kong
nasaksihan ang ganoong eksena kundi napakaraming beses ...kaya noong sabihin sa
aking mag-papakasal na sila ng Tio Idro ...papaano nangyari yun, ang tanong ko sa
sarili ko..siguro natakot rin si Tia Nene na sa pag-aasawa ko ay mahirap mabuhay
ng solo... kaya gagawin niya iyon o dili kaya ay matagal na rin niyang pinipigil na
magmahal dahil sa akin.
Nagpakasal nga sila ni Tio Idro noong Enero 1979 at ako naman noong dumating
ang Mayo.. naging maligaya si Tia Nene sa piling ng Tio Idro ngunit sa di katagalan
ay lumisan na sa daigdig si Tio Idro at noon namuhay ng solo si Tia Nene.. ang
pagkamatay na yun ni Tio Idro ay isang mabigat na dalahin sa kanyang kalooban
ngunit itong dalahin ay higit na bumigat noong bahay na kanilang tirahan ay
nasunog at halos walang naisalbang ari-arian...sinabi ko sa kanya na sumama na
lang sa amin at pumayag naman siya..pero tuwing hapon ay napapansin kong siya
ay lumuluha ...at itinanong ko kung bakit..ani niya nagpapakita raw sa kanya si
Tio Idro at itinatanong kung bakit siya ay nasa amin ganong me bahay naman
daw sila...kaya sinabi ko sa kanya na huwag mag-alaala at magtatayo muli tayo
ng bahay sa lugal ng nasunog na dati nilang bahay.. nayari at lumipat na muli si
Tia Nene sa kanyang bagong bahay..
Nakita kong muli ang kaligayahan sa kanyang mukha subalit isang pangyayari
na hindi nais ni Tia Nene na mangyari sa kanya ang naganap noong siya bagaman
malakas pa sa edad 88 ay nadulas habang nagpupunas ng basang sahig sa kusina
dahilan para mapataktak sa sahig na semento ang kanyang balakang at nagmula
noon ay di na muli siyang nakatayo at nakalakad...sa ganoong kondisyon ay
sinamahan ko na siya sa kanyang bahay at ako ang nag-intindina ng kanyang
pangangailangan sa tulong na rin ng iba pa niyang pamangkin. pinagtulong
ulungan naming mapaginhawa ang kanyang kalagayan.
Ngunit talagang mapagbiro ang tadhana dahil makalipas naman halos ang isang
lingo ay dumating naman sa akin ang abiso ng US embassy na approve na raw ang
immigrant petition puntang Amerika na dalawamput apat na taon kong hinintay
at schedule na raw kami for interview para sa immigrant petition namin tungong
Amerika.... hindi ko na ito kaagad sinabi kay Tia Nene dahil ayaw ko siyang
mag-ala-ala..ngunit ang ilang beses kong pagluwas luwas para sa requirements
ng petition ay di na nailihim sa kanya..marahil kapag ako ay wala eh, merong di
sinasadyang nabangit sa kanyang maaring kami ay aalis patungong Amerika..ito
ay itinanong niya sa akin...sagot ko eh, kung papalarin ho..at siya ay lumuha ...
sambit niya ... sana mamayapa muna siya bago ako umalis..nayakap ko siya at
pinalakas ang loob ..sabi ko ...gagaling pakayo at pagbabalik ko ay magaling na
kayo...
Dear Charo,
Damang dama ko ang bigat na dinadala ni Tia Nene noong mga sandaling iyon.Ang
batang itinuring niyang isang tunay na anak at inaasahan na aalalay sa kanya sa
kanyang katandaan eh, sa mga pagkakataong iyon ay nagpapahiwatig ng paglisan
kung kelan pang nasa malubha siyang kalagayan. Pakiwari ko ang sakit na kanyang
nararamdaman sa kanyang kalooban ay lalong higit na masakit kesa sa sakit dulot
ng kirot ng bali ng kanyang balakang na sa bawat kibo ay maririnig ko ang kanyang
daing, huni,at haluyhoy....kirot na di na maampat ng anumang pain reliever na
kanyang iniinom.
Ang bahay niya ay may kalayuan sa bahay na tirahan namin inisip kong kumbinsihin
siya na sumama na sa aming bahay para lagi siyang matingnan ng aking dalawang
anak na dalaga kung sakaling kami ay umalis patungong Amerika.
Dahan dahan o unti unti niyaya ko na siya sa amin na sumama..dahil mahirap
para sa mga anak ko na alagaan siya sa San Diego Barangay 4 habang ang mga anak
ko naman ay nasa Markaban, Barangay 2... una bantulot si Tia Nene na lumipat sa
amin ngunit bandang huli ay pumayag na rin siya.
Makalipas ang 5 buwan ay napatakda na ang paglipad namin tungong Amerika
isang bagay na napakabigat gawin sa ganoong kalagayan nag-alaga sa akin na
dapat ay aking aalagaan sa kanyang kalagayan ay aking maiiwan.. naala-ala ko pa
ang laging tanong niya sa akin kung huhugasan ko ang kanyang puwit pag siya ay
matanda na ... ang sagot ko ay .. oho pero ngayon ako ang dapat maghugas sa
kanya ay siya itong mapapalayo.. tanda ko pa kapag ako ay may sakit ..tinatawag
ko si Tia Nene ...kagyat nandyan agad siya sa aking tabi..ngayong alam kong ako
naman ang kanyang tinatawag ay di ko nagawang tabihan siya...patawad
Tia Nene ..alam ko nauunawaan niya ako..Laging ganoon ..lagi niya akong
inuunawa at pinagbibigyan.. mula noong bata hihilahin ko ang kamay niya
hanggang makarating sa plaza kung fiesta at ituturo ko sa kanya ang laruang
gitarang lata na may tansing kuerdas at iyon ay binibili agad niya sa akin tulad
rin ng baril barilang yari sa palayok na hiniling ko sa kanya ay agad rin binili
niya para sa akin ....
Laking pasasalamat ko kay Tia Nene sa kanyang paglingap, pag unawa at
pagmamahal sa akin at maging sa aking mga anak. Batid ko ang pagnanais
ni Tia Nene na ako ay makita bago siya pumanaw at iyon ay kanyang pinagtiisan
at batid ko inialay niya yun para sa magandang kinabukasan ng aking mga anak.
Para sa amin napakabait at dakila ni Tia Nene at iyon ay tatanawin naming
malaking utang na loob sa kanya habang buhay.
Lubos na gumagalang,
Antonio L. Buensuceso, Jr.
September 6, 2010
by Antonio L. Buensuceso
No comments:
Post a Comment