PANAWAGAN SA PAMILYA MARCOS
NI
LINGAYEN ARCHBISHOP
SOCRATES VILLEGAS
Nanawagan ako sa pamilya ng yumaong Ferdinand Marcos. Huwag sanang gamitin ng mga buhay ang bangkay ng yumao para sa kanikanilang pangarap at ambisyon. Sa katayuan ng yumaong Ferdinand Marcos hindi na niya kailangan ang parangal sa libingan. Ang kailangan niya ay dasal. Hindi madaragdagan ang kapayapaan sa kabilang buhay sa pamamagitan ng puntod sa Libingan ng mga Bayani.
Ang pinakamahalagang parangal sa yumao ay hindi isang magandang puntod, mas mahalaga ang panalangin kaysa sa marangyang libingan. Ang parangal sa yumao ay iginagawad ng kusa, hindi pinagpipilitang ibigay. Ang parangal sa yumao ay hinihintay ipagkaloob, hindi ipinaglalaban na makuha kahit ano ang mangyari. Ang tunay na marangal ay hindi natatakot sa liwanag ng katotohanan, hindi nagtatago palihim.
Ang parangal sa patay ay biyaya ng bayan, hindi bunga ng labanan ng mga abogado. Ang parangal na ipinipilit ay mapakla. Ang parangal na pinagpilitang makuha ay nakakasuka. Para sa mga pamilyang naiwanan ang dapat gawin ay ihingi ng tawad ang mga kasalanan ng yumao. Lahat namang yumao ay nangangailangan ng kapatawaran. Ibalik ang nakaw na mana. Iwasto ang pagkakamali. Ang awa ng Diyos ay naghihintay sa lahat ng taong mababa ang loob at nagsisisi.
Ang bayang nagrarally ay handa namang magpatawad. Bakit hindi? Subalit ang pagpapatawad ay hindi maaaring pagpapaubaya sa masama, hindi pagyakap sa pananakit at pandarambong. Ang pagbabayad pinsala, ang paghingi ng tawad sa kasalanan, ang mga ito ay kailangan para mapatawad.
Wika nga ni San Juan Pablo II, " Ang paglimot sa kahapon ay isang malaking kakulangan ng ating panahon. Kailangan nating alamin ang kahapon para itaguyod ang makabuluhang kinabukasan. Sinabi naman ni Pope Francis, "Bayan ang humirang sa bayani hindi ang libingan."
Uulitin ko po, ang paglimot sa kahapon ay isang malaking kakulangan ng ating panahon. Kailangan nating alamin ang kahapon para maitaguyod ang makabuluhang kinabukasan. Bayan ang humirang sa bayani hindi ang libingan. Ang tunay na bayani ay bayani kahit saan ilibing. Ang huwad ay huwad kahit igawa ng monumento.
Mga kabataan alamin ninyo ang kasaysayan. Huwag magpalinlang sa mga may masamang pagnanasa na pagandahin ang pangit at madilim na nakalipas. Magbantay laban sa sinungaling. Manalangin at manindigan.
_ Archbishop Socrates Villegas
The TRUTH will set you FREE.
No comments:
Post a Comment