PANTAL AT LAGNAT
• Gumising nang maaga. Magwalis-walis. Uminom ng kape.
• Pumunta ka na sa palengke, bumili ng tumpok ng sayote.
• Ngumiti sa mga tindero’t tindera kahit masungit ang itsura.
• Mamili ka na rin ng ibang gagamitin para hindi pabalik-balik. Sayang ang pamasahe, pagod at effort. Kung walang budget, umuwi ka na.
• Tingnan muna ang FB, alamin kung anong nangyari kay Ms. Elizabeth Ramsey.
• Maghiwa ka na ng sayote. Idampi-dampi at itapal ito sa parteng nakagat ng lamok o insekto.
• Kung mataas ang lagnat ang problema, hindi na kailangan pang bumili ng ice pack. Ilagay lang ang hiniwang sayote sa noo para maibsan ang init na nararamdaman. Huwag lalabas ng bahay at baka mapagkamalang may tama ka.
• Sabi ni Doc Jim, “Anti-pyretic, ibig sabihin pampaalis ng init, kontra lagnat. Ang namamaga, anti-inflammatory. Nakawawala rin ng kati.”
• Ang sayote ay mayaman sa calcium, magnesium, potassium at folic acid na mainam para sa mga nagbubuntis.
ENSALADANG TALBOS NG SAYOTE
• Ihiwalay ang talbos sa tangkay.
• Magpakulo ng tubig, ilagay ang talbos at tangkay.
• Hanguin pagkatapos ng 2 minuto.
• Lagyan ng hiniwang kamatis, sibuyas, ginadgad na bawang at luya.
• Timplahan. Pigaan ng calamansi para may asim at angas
• Sabi ni Doc Jim, “Napakahusay nito sa masasakit na kasu-kasuan. Kontra maga at kontra bukol ang talbos ng sayote.”
SUGAT
• Maghiwa ng katamtamang dami ng kalabasa at ilaga ito.
• Durugin at itapal sa sugat. Hayaan sa loob ng 5 minuto.
• Puwedeng araw-araw ilagay hanggang sa maghilom.
• Gawing meryenda ang natirang kalabasa. Lagyan ng gatas at asukal.
• May gamot ka na sa sugat, may meryenda pa. Puwede pang igisa mamaya ang sobra tapos may katernong tuyo o daing. Ang saya ng kalabasa.
• Sabi ni Doc Jim, “Ang bunga ng kalabasa ay mayaman sa phosporus na nagbibigay proteksyon sa mata.May taglay din itong anti-oxidants at calcium na nagpapabilis sa paghilom ng sugat.”
KALABASA SOUP
• Hiwain ang kalabasa nang maliliit. Igisa....lagyan ng tubig. Haluin hanggang sa lumapot. Puwedeng lagyan ng gulay na gusto n’yo tulad ng malunggay. Timplahan ng kaunting asin at paminta.
• Ang kalabasa ay nagpapaganda ng kutis, nililinis ang bituka lalung-lalo na ang atay, nagpapaganda rin ng paningin. Mataas sa Vitamin A, Vitamin C, B-Complex, iron, at folic acid na nagpapatibay ng ating dugo.
PULIKAT
• Huwag itapon ang buto ng kalabasa. Kung naitapon na, bantayan kung kalabasa ang ulam ng kapit-bahay. Samantalahin at hingin ang mga buto.
• Isalang ang kawali at isangag ang buto. Walang mantika.
• Hinaan ang apoy at baka maging uling ang buto.
• Hintaying maging golden brown bago hanguin.
• Kumain ng 10-30 piraso ng buto ng kalabasa kada araw.
• Sabi ni Doc Jim, “Ang pulikat ay dahil sa kakulangan sa magnesium at isa sa pinakamagandang kainin ay buto ng kalabasa. Yung zinc naman ay para sa mga kalalakihan, para sa prostate gland, napakaepektibo nito.”
PAMPASIGLA
• Bumili ka na rin ng talbos at bulaklak ng kalabasa.
• Kung walang pambili, mag-ikot ikot sa barangay. Sipat-sipatin ang bakuran ng kapit-bahay. Kung may nakita, pumasok ka sa tarangkahan. Magmasid kung may aso. Bigyan ng kornik.
• Chikahin ang kapit-bahay sabay hingi ng talbos at bulaklak ng kalabasa.
• I-share ang benepisyo ng kalabasa tapos umuwi ka na.
• Magluto ka ng ulam gamit ang talbos at bulaklak ng kalabasa.
• Sabi Doc Jim, “Ito ay pampasigla ng dugo ng ating balat. Mataas sa chlorophyll. May bagong energy ka lagi pag kumakain ka ng mga talbos.”
• Umupo muna at magpahinga.
• Tingnan kung sinong mga nag-message sa ‘yo sa FB.
• Dahil masigla ka, kunin ang mga sinampay at magtupi ka na.
PIGSA
• Dikdikin ang 1-3 piraso ng bulaklak ng kalabasa.
• Huwag masyadong gigil, baka pati sustansya mawala.
• Kalma lang sa pagdikdik. Itapal ito sa pigsa.
• Kung wala ka naman palang pigsa, igisa mo na lang ‘yang bulaklak ng kalabasa sa hapunan tapos magsangag ka ng dilis.
Rewritten by Yam dela Cruz, Multimedia Producer