Sa panahon po ngayong nagugumon ang ating bayan sa umaalingasaw na kabulukan sa mga sistema ng lipunan at pamahalaan, tigmak sa mga kaganapang nalalampungan ng dambuhalang korupsyon at kabuktutan, na noong bandang nakaraan ay hindi ko lubos na paniwalaan na tunay na nagaganap sa ating bayan, hanggang sa unti-unting pag-usad ng panahon, pagkatapos sa aking mapait na karanasan na dinanas ko sa mga pinuno ng kumpanya at ng aming unyon noong panahong iyon at maging sa mga pinagdaanang hukuman ng asuntong ito ay napagtanto ko na ang dambuhalang nabanggit ko ay mukhangkumikilos upang lapain ako; kumikilos habang ang natitirang huling pintig ng aking pag-asa ay tuluyan nang maglaho at ang huling pako para sa kabaong na pinag-silidan ng katotohanan at katarungan na matagal ko nang inasam-asam at ipinaglaban ay nakaambang itusok na. Opo, Kagalang-galang na Chief Justice, Your Honors, nakaambang itutusok na. Kagalang-galang na Chief Justice, mga Huwes na bumubuo sa Bantayog ng Katarungan ng ating dakilang bayang Pilipinas, na pinagbuwisan ng pawis, luha at dugo ng mga taong nagpakabayaning tumayo at nahandusay sa ngalan ng katarungan, sa kapakanan ng ating bayan, ang pagpapakumbaba pong paki-usap ko : Pagpaumanhinan na po ninyo ang aking munting pagkukulang at sa halip ay malasin ninyo, una, ang pagsusumikap ng aming buong mag-anak na ipaglaban ang aking karapatan sa abot ng aming makakayanan, sa kabila ng mga balakid at ikalawa, ang mga katotohanang naging sanhi ng petisyong ito. Minamahal kong Chief Justice, ngayong pagkakataong ito ay bumubukal sa ngilid ng aking mga mata ang butil butil na luha na habang pumapatak sa aking dibdib tapat ng aking puso ay nasambit ko ang dalangin sa Diyos na Makapangyarihan na sana ang mga luhang ito ay magsilbing panghugas sa mga limatik na nalikha ng dambuhalang korupsyon at kabuktutan. Naway ang mga luhang ito ay maging pandilig at magbigay buhay muli sa ilang mga halaman sa Hardin ng Katarungan na tinuyot, sinalanta ng tampalasang dambuhalang korupsyon at kabuktutan.
Minamahal na Chief Justice at Kagalanggalang na mga Hukum, muli po ang aking paala-ala, ang kabaong na nais nilang lagyan ng huling pako at ilagak sa kailaliman ng lupa ay naglalaman ng HINDI PATAY kundi BUHAY na mga KATOTOHANAN. Mga KATOTOHANAN na nagpupumilit sumigaw ng katarungan na sa kasalukuyan ay nabusalan ng mga taong marunong bumasa at nakaririnig, ngunit hindi nakakaunawa at nagbibingibingihan; mga dalubhasa, ngunit nagmamaang-maangan.
Ang samo ko po, iligtas po natin ang KATOTOHANAN.
Kagalagalang na Chief Justice at Kapitapitagang mga Huwes ng First Division ng Supreme Court, sana po naman ay pagbigyan ninyo ang aking mga hinaing. Sana po ay muli pong mapag-aralan ang asuntong ito na busog sa katotohanan at merito.
Bilang pangwakas, Mahal na Chief Justice, Your Honors, mangyari pong ibahagi ko sa inyo ang ilang aral mula sa po sa Holy Bible, JOHN 8:31 to 32 :
31 To the Jews who had believed Him, Jesus said, " If you hold on to my teaching, you are really my disciples. 32 Then you will know the truth, and the truth will set you free."
Tunay po, ang katotohanan, TRUTH, ang magpapalaya sa atin, wala pong pagdududa tayo roon, NGUNIT , kung ang KATOTOHANAN ang siyang may busal at nakagapos, paano pa kaya tayong mapapalaya nito? Kung siya po ang siyang bilanggo, sino pa pong magpapalaya sa atin? Ang samo ko po ay, tanggalin po natin ang kanyang gapos at siya palayain. Iligtas po natin ang KATOTOHANAN, para po sa akin, sa aming mag-anak, sa mga kawawang kawani ng SHELL, sa mga manggagawa, sa INANG BAYAN NATING PILIPINAS at higit sa lahat, alang-alang sa DIYOS NA PINAKAMAKAPANGYARIHAN SA LAHAT.
1
CERTIFICATE OF SEPARATION FROM LAST EMPLOYER COMPLAINT
2.
MY QUEST FOR SWINDLED
RETIREMENT PAY BY SHELL
SWINDLING ITO, SYNDICATED ESTAFA