Magandang araw Kapuso!
Maraming salamat sa laging pagbibigay ng puwang sa inyong website para sa aking mga akda. Kaya naman nandirito muli ako upang magbahagi ng aking mga karanasan mula sa pagkabata hanggang ngayong ako'y nag-asawa na at maging isang OFW.
Palagi na lang ginataang langka ang ulam ko noon. Isang takal na ginataang langka na pinagkakasya ko sa isang takal na kanin. Gustuhin ko mang bumili ng pagkaing masarap, hindi ko iyon magawa kasi wala akong pera. Kasabay kong kumakain ang mga kaklase ko. Sila may manok, may gulay at may softdrinks pa. Sabi ko na lang na paborito ko ang ginataang langka.
-- Gilson
Bata pa lang ako, alam ko nang buhay ang ating Panginoon. Alam kong naririnig Niya ang ating mga panalangin at alam ko nang tinutugunan Niya ang mga ito. Kahit wala pa akong masyadong muwang sa mundo, alam ko nang nasa tabi ko lang ang ating Diyos.
Kabayan, nasimulan mo na lang din namang basahin, nawa’y basahin mo na hanggang sa dulo. Nabasa mo la-ang ang mga katagang “Panginoon at Diyos", nawalan ka na ng gana... ‘wag namang gay-un! Kung Siya kaya ang mawalan ng gana sa iyo... sa palagay mo nandiyan ka pa sa harapan ng computer mo para basahin ito?
TSISMIS No. 1 – “Ang Burlesk kong Krayola"
Natatandaan ko pa nang manalangin ako noong nasa kindergarten pa lang ako. Hindi ko man madalas maiparating sa aking mga magulang ang aking mga naisin, alam kong nababatid ng ating Panginoon ang aking mga kailangan. Tandang-tanda ko pa na halos maliliit na ang mga krayola ko, halos hubad silang lahat at putol putol. Hindi ko na rin kayang iguhit at kulayan ang isang bahaghari sa mga kulay na mayroon lang ako.
Isang hapon, habang hinihintay ko ang aking ina mula sa kanyang pagtuturo, nanalangin ako sa labas ng aming bahay. Bago pa lang akong natututong magdasal ng “Ama Namin," at pagkanta ng “Aba Ginoong Maria", subalit nadasal ko na iyon ng taos sa aking puso.
Nanalangin ako na sana pag-uwi ng aking ina mula sa kanyang trabaho ay pasalubungan niya ako ng krayola. Kahit yung waluhan at maliit lamang, masaya na ako. Kahit hindi na yung jumbo, basta may damit lang ang krayola ko, masaya na ako. Nakakahiya kasing gamitin sa school ang mga luma kong pangkulay.
Paulit-ulit ang aking pagdarasal habang hindi pa siya dumarating. Paulit-ulit din ang pagkanta ko ng aking dinarasal na “Ama Namin" at “Aba Ginoong Maria". Halos magdilim na ang paligid nang maaninagan ko ang aking ina sa kanto. Halos umabot sa aking taenga ang aking mga ngiti habang matama ko siyang hinihintay sa aming bakuran. Sabik na sabik akong yakapin siya at hintayin kung ano ang meron siya para sa akin.
Nanalangin ako na sana pag-uwi ng aking ina mula sa kanyang trabaho ay pasalubungan niya ako ng krayola. Kahit yung waluhan at maliit lamang, masaya na ako. Kahit hindi na yung jumbo, basta may damit lang ang krayola ko, masaya na ako. Nakakahiya kasing gamitin sa school ang mga luma kong pangkulay.
At tunay ngang buhay ang Diyos, sa munti kong panalangin, dinulog Niya ako. May dalang pangkulay ang aking ina, at hindi lang isang marupok na krayola na madaling mabali ang ibinigay niya sa akin noong mga oras na iyon, kundi isang coloring pencil na 16 ang laman. Halos mapaiyak ako sa galak noong mga oras na iyon. Hindi ko man nabanggit sa aking ina ang aking pangangailangan, higit na nababatid ng aking Ama sa langit ang nilalaman ng aking puso at kung ano man ang materyal na bagay ang labis kong kailangan.
Sa munting tagpong iyon, maaga kong napatuyan sa aking sarili ang kahalagahan at kapangyarihan ng isang panalanging nagmumula sa puso.
TSISMIS No. 2 – “Pakiabot po ng bayad..."
Nananariwa pa rin sa aking isipan ang aking mga pinagdaan noong nasa kolehiyo pa lang ako. Salat man kami sa yaman, sagana naman kami sa pagtitiis. Iyon ang itinuro sa amin ng aming mga magulang –
ang matutong magtiis at pagkasyahin ang kung ano man ang mayroon kami.
Subalit dala na rin minsan ng pagkaawa sa aming sarili, natututo rin kaming masaktan sa kalagayan naming iyon. Subalit nananaig pa rin sa aming mga puso ang pagtitiis kaya naman nalampasan namin ang mga pagsubok sa aming buhay. Naaalala ko pa tuwing kumakain kaming magkakaklase sa kantina, P20 lang ang baon ko kaya naman todo-todo ang aking pagtitipid. Ang P10 kasi ay tamang pamasahe ko lang pauwi kaya naman P10 na lang ang natitira para sa aking pagkain.
Palagi na lang ginataang langka ang ulam ko noon. Isang takal na ginataang langka na pinagkakasya ko sa isang takal na kanin. Gustuhin ko mang bumili ng pagkaing masarap, hindi ko iyon magawa kasi wala akong pera. Kasabay kong kumakain ang mga kaklase ko. Sila may manok, may gulay at may softdrinks pa. Sabi ko na lang na paborito ko ang ginataang langka.
Nakakaiyak, habag na habag ako sa aking sarili sapagkat gutom pa ako, binubusog ko na lang ang aking sikmura ng malamig na tubig. Habang nasa ganoon akong kalagayan, tiis lang palagi ang aking iniisip. Binubusog ko na lang ang aking isipan ng mga mabubuting bagay na nangyayari sa aking buhay.
Natatandaan ko rin na minsa’y dumarating din ang panahon na kulang na ang pamasahe ko. Nahihiya ako sa driver sa tuwing sasakay ako sa dyip kapag walang pambayad. Minsan nga, nagawa ko nang hindi magbayad ng aking pamasahe, talaga namang walang laman ang aking bulsa… ni singkong duling. Tinutulungan ko na lang siyang mag-abot ng mga bayad, nananalangin na sana’y mapagkamalan ng driver na bayad ko ang isa sa aking mga inabot sa kanya.
Masama man, wala akong magawa. Minsan kapag ‘di na kaya ng konsensiya ko at kulang na ang aking pamasahe pauwi, bumababa na ako ng dyip kahit malayo pa ang babaan patungo sa amin. Kung hanggang saan lang ang bayad ko, hanggang doon lang ako. Minsan nga halos 2 kilometro pa ang layo ng aming bahay, dahil kulang ang pamasahe ko, tinitiis ko na lang na lakarin. Bumababa ako sa San Antonio kahit sa Bauan pa ang bahay namin.
Nangingilid ang luha ko habang nasa ganun akong tagpo. Pero iniisip ko na lang, para sa Panginoon ang paghihirap kong iyon, iyon kasi ang itinuturo sa amin ng aming mga magulang. Lahat ng paghihirap at mga gawain ay taos sa puso mong iaalay sa ating Panginoon. Kaya naman sinuklian ng Diyos ang aking mga paghihirap, pagtitiis at pagtitiwala sa kanya.
Nakatapos ako ng Chemical Engineering at nakapasa ako sa board exam. Gutom man ako, hirap man ako, busog at masustansya naman ang aking isipan. ‘Yan palagi ang pakonsuwelo ko ‘pag nagugutom ako noong mga panahong iyon.
TSISMIS No. 3 – “I gotta feeling that tonight’s gonna be a good night"
Subalit gaano man tayo kabuti at gaano man kataas ang ating paniniwala sa Kanya, dumarating pa rin ang mga pagsubok sa ating mga buhay.
Hindi pa man ako nakakatapos ng aking pag-aaral, batid ko na ang pangangailangan ng aking pamilya. Alam kong kailangan nila ng pera upang mailipat ang titulo ng aming tinitirahan sa pangalan ng aking mga magulang. P20,000 ang kailangan nila noon para mailipat ito. Iniatang ito ng aking magulang sa panganay naming kapatid. Sbalit nag-asawa na ang panganay namin kaya naman nararapat lang na mas unahin na niya ang kanyang pamilya.
Kaya naman nung nagkatrabaho ako, ipinangako ko sa aking sarili na ako na ang tutugon sa pangangailang iyon. Sa kabutihan ng Diyos, ilang buwan pa lang ng aking pagtatapos ay nagkaroon na agad ako ng magandang trabaho. Hindi ko kinalimutan ang pangako ko na tuparin ang pangangailang iyon nang sa ganun ay makaganti man lang ako kahit papaano sa pagpapalaki sa akin ng aking mga magulang.
Araw-araw kong idinadalangin sa Diyos na nawa’y tulungan Niya akong makalikom ng ganoong kalaking halaga. At sadyang mabuti ang ating Panginoon. Probationary pa ako noon sa aking trabaho, at unang Christmas party ko sa kompanyang iyon, may isang hindi inaasahang pangyayari. Gabi ng Christmas party, may special announcement ang aming management… “Lahat kayo ay tatanggap ng tig-P20,000 plus 2 months extra bonus! Maaari na ninyong kuhanin ang inyong mga sobre habang tayo’y nagpa-party!"
Halos maiyak ako noong mga oras na iyon. Ramdam na ramdam ko ang Kanyang presensiya, ramdam na ramdam ko na mahal ako ng ating Diyos. Mahal Niya tayo at kailanman ay hindi Niya tayo pababayaan. Talagang pinagkalooban Niya ako ng higit pa sa aking pangangailangan... talagang siksik, liglig at umaapaw.
Pagkatapos ng party ay dali-dali akong umuwi sa aming bahay. At sa pagbukas ng aming pinto, agad kong iniabot sa aking ina ang tseke. Iyon ang una kong bonus at buong-buo ko iyong inialay para sa aking pamilya, “Mame, ito na po ang P20,000 pampalipat ng titulo."
“Praise God" lang ang narinig ko sa kanya at niyapos niya ako. Halos mangilid na naman ang aking luha noong mga panahong iyon. Kay buti talaga ng Diyos. Hindi man kapani-paniwala sa mata ng tao, wala talagang himala ang hindi pwedeng hindi mangyari kung nanaisin ng ating Diyos Ama sa langit .
Subalit gaano man tayo kabuti at gaano man kataas ang ating paniniwala sa Kanya, dumarating pa rin ang mga pagsubok sa ating mga buhay. (Itutuloy) –
GMA News
Gilson Aceveda
Ano ang kwento mo? Mga Kapuso, tuloy ang ating kwentuhan. Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin, mananatili po ang inyong
Kwentong Kapuso.
Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng inyong saloobin, walang mapagsabihan ng sikreto, o kaya naman nais magbigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras.
Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyong ipadala sa
Pinoyabroad@gmanews.tv Sa inyo mga kababayan namin saan mang dako sa mundo, kami po'y saludo sa inyo. Kaya ilabas na ang iyong saloobin, ikuwento mo Kapuso!
No comments:
Post a Comment