This poem was shared by one of GMA News Online's readers -- Gilson B. Aceveda.
PASKONG PINOY
Ang dama de noche’y, humalimuyak sa dilim
Ang mumunting bitui’y, walang kasing ningning
Ang hangi’y malamig, Oh! Kay sarap samyuin
Hamog sa umaga’y, dumidilig sa hardin
Bahay kubo sa bukid, ay pinalalamutian
Ng mumunting mga parol, na nagsisikintaban
May kani-kaniyang belen, na salamin ng sabsaban
Kung saan ang Tagapagligtas, ay pakumbabang isinilang
Pagsapit ng gabi’y, nagsisipagkantahan
Ang mga binata, pati kadalagahan
Awiting pamasko, Oh! Kay sarap pakinggan
Gumagaan ang puso, sa mga himig na kay inam
Ang mga paslit nama’y, nangagsisi-awit din
Bitbit ang mga lata, kasama ang tambourine
Mananapat sa mga bahay, hudyat ng pangangaroling
Kung saan ang mga barya’y, matamang lilikumin
Natutulog pa ang araw, maaga ng gumigising
Ang magkakabaryo’y, sama-samang mangingilin
Simbang gabi sa nayon, pilit kukumpletuhin
Upang gabayan Niya, at sila’y pagpalain
Sa gabi ng Noche Buena, pamilya’y sama sama
Konti man ang pagkain, sa maliit nilang mesa
Hindi nila alintana, konti man ang handa
Basta’t ang pamilya’y, kumpleto’t masaya
Handang mga pansit, at masarap na nilupak
Kanilang ibinabahagi, sa mga kamag-anak
Sukli naman nila’y, sumang pagkakasarap
Sinasawsaw sa asukal, pagkadaka’y pinapapak
Sa umaga ng Pasko’y, karibok na ang lahat
Bata at matanda’y, kani-kaniyang gayak
Magagara ang damit, sa kalye ay nagkalat
Magmamano sa mga Ninong, bibisita sa kamag-anak
Pagkabigay ng basbas, ng mga Ninong at Ninang
Abot tainga ang ngiti, ng mga kabataan
Sapagkat sa pag-uwi’y, may regalo ng tangan
Bukod pa sa salaping, pudpod na sa kabibilang
Ito namang sina magulang, matamang naghihintay
Sabik sa pagdating, ng kanilang mga inakay
Pagkat pinamaskuhan, sa kanila’y pilit ipapa-alay
Upang may pantustos daw, sa pang araw-araw na buhay
Ang mga bata namang, nag-alay nga ng salapi
Di mapinta ang mukha, kabi-kabila ang hikbi
Akala nilang pinamaskuhan, naisin na’y mabibili
Sa palad pala ng mga magulang, lahat makukubli
Oh! Ang pasko nga naman, hindi lang talaga pambata
Minsan nga’y mas masaya pa, ang mga nakatatanda
Lalo na’t ang mga anak, ay anim o higit pa
Daig pa ang naka BONUS, sa laki ng kinikita
Subalit magkaganoon ma’y, huwag pa ring lilimutin
Na ang Kapaskuha’y, hindi tungkol sa kikitain
Pagbibigayan at Pagmamahalan, ay patuloy na paghariin
Pagkat ito ang araw, na si Hesukristo’y sumaatin!
Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon Kabayan!
From GMA News
|
No comments:
Post a Comment