|
ANG kasong ito ay nag-umpisa sa isang pag-iibigan na puno ng pag-asa at pagmamahalan. Sinundan pa ng detalyadong pagpaplano at magarbong preparasyon na humantong lang sa pagkapahiya at kalungkutan.
Ito ang kuwento ng isang dalaga na tawagin nating Cindy. Nagkaroon siya ng nobyo na ang pangalan ay Robert. Nakilala niya ito sa isang kilalang unibersidad kung saan sila parehong nag-aaral. Ang relasyon ng dalawa ay kalat sa buong eskuwelahan dahil na rin sa tamis ng kanilang pagmamahalan. Sa kanilang mga ka-klase, kitang-kita na isang relasyon ito na hahantong sa simbahan at magiging masayang-masaya ang dalawa.
Nagpatuloy ang relasyon nina Cindy at Robert hanggang makagradweyt sa kolehiyo. Natuloy ang engagement at nagplano ng kasal ang dalawa. Ang tradisyonal na pamanhikan ay sinunod. Kumuha ng lisensiya sa kasal. Ang kasal ay tinakda ng Setyembre, isang Sabado sa isang kilalang simbahan. Maganda ang mga imbitasyon na ipinalimbag at ipinadala sa mga kaanak, kakilala at kaibigan ng dalawa. Ang gown ni Cindy, mga damit sa selebrasyon, iba pang damit ng mga abay at flower girl ay binili at inihanda na. Kinontrata na ang isang five-star hotel kung saan gaganapin ang reception ng kasal. Kahit nga ang mismong kama o "matrimonial bed" pati ang lahat ng mga gamit ay binili na. Ngunit, dalawang araw bago ang kasal, nakatanggap ng isang nakababahalang sulat si Cindy mula kay Robert. Sinasabi nito na ipagpaliban muna nila ang kasal dahil sa posibleng pagtutol ng ina ng lalaki. Pero sumunod na araw ay sinabi naman ng lalaki na walang problema at tuloy ang itinakdang kasalan. Sa kasamaang-palad, iyon na ang huling narinig ni Cindy mula kay Robert. Ang pinakaaaba-ngan na kasalan ay nakansela. Sa tindi ng sama ng loob at pagkapahiyang naranasan, kinasuhan ni Cindy at ng kanyang pamilya si Robert para maghabol ng danyos. Makakakuha ba si Cindy ng bayad sa danyos-perwisyong inabot?
OPO. Ang ordinaryong pangako ng kasal ay hindi naman talaga tatanggapin na kaso sa korte. Walang magagawa kung sakaling hindi ito panindigan. Kaya lang ang ginawa rito sa kasong ito na pormal na pagtatakda ng ka sal, magarbong paghahanda at detalyadong preparasyon, pagkatapos ay bigla na lang iiwanan ang kawawang babaeng papakasalan sa altar ay ibang usapin na. Kaila-ngang panagutan ni Robert ang lahat ng bayarin at danyos dahil hindi na ito simpleng paglabag sa ating kinamulatang tradisyon. Hindi limitado ang sakop ng kayang ikaso sa tao. Ayon sa ating batas (Art. 21 Civil Code), ang kahit sino na kusang loob na gagawa ng isang ba gay na makakapanakit sa iba sa paraan na kontra sa moralidad, tradisyon o panuntunan ng publiko ay dapat magbayad ng danyos-perwisyo. Maari pa nga na ang danyos ay magmula sa pagkapahiya (moral) o para hindi na siya tularan ng iba (exemplary damage) (Art. 2219[10] & Art. 2232 Civil Code). Bilang basehan ay puwedeng gamitin ni Cindy ang desisyon sa kasong Wassmer v. Veles 12 SCRA 648.